NABUNTIS KAYA NAG-BABU AGAD ANG BOYFRIEND MATAPOS SABIHING MAGPA-ABORT NA LANG

0
26

Dear Maria,

Sixteen years old lang ako pero buntis na ako. Sabi kasi ng boyfriend ko, mahal niya ako at naniwala naman ako, kaya lang, nang malaman niya ang kalagayan ko, iniwanan niya ako matapos niyang sabihing ipalaglag ko ang baby namin. Ano ang aking gagawin? — Nerrie

The language learning expert: Sara

Nerrie,

Wala kang ibang pagpipilian kundi sabihin mo sa mga magulang mo ang iyong kalagayan. Kakailanganin mo kasi talaga ang tulong nila. Sila lang kasi ang makakaramay mo sa ganyang sitwasyon. Maaari ngang magalit sila pero sa huli, tutulungan ka pa rin nila. Wala naman kasing magulang na hindi nagmamahal sa kanilang anak. Talaga lang kailangan nilang pawalan ang galit at disappointment na kanilang nararamdaman. Gayunman, sasabihin ko pa rin sa’yong hindi ka nila magagawang pabayaan. After all, apo rin nila ang nasa iyong sinapupunan.

Kaya nga lang, simula ngayon ay tuluyan nang mababago ang iyong buhay. Hindi na maaaring ang isipin mo lang ay ang iyong kinabukasan. Kailangan, ang bawat desisyon mo ay kasama na ang iyong magiging anak. Napakabata mo pa para harapin ang responsibilidad na maging isang ina kaya lang, pinili mo ‘yan kaya dapat lamang na panindigan mo.

Naniniwala naman akong makakaya mo ang responsibilidad na iyan lalo’t may pamilya kang nagmamahal sa’yo ng labis. Sana nga lang, ang pagkakamali na nagawa mo ay hindi mo na uulitin pa. Tandaan mo, bihira lang ang taong nabibigyan ng ikalawang pagkakataon kaya kung tatanggapin ka ng mga magulang mo sa kabila ng iyong pagkakamali, huwag mo na sayangin ang pagkakataon na ‘yan.

Kung pag-aaralin ka pa nila, pagbutihin mo na ang iyong buhay. Matuto ka na sa’yong pagkakamali. Hindi ka magkakaroon ng maayos na buhay kung hindi ka mag-aaral. Napakabata mo pa para maghanap ng trabaho. Kung makatagpo ka naman siguradong hindi sapat ‘yan para magkaroon ka ng komportableng pamumuhay pagdating ng araw. Kung sakali naman na hindi ka na pag-aralin ng magulang mo, matuto ka na magsikap. Oo bata ka pa, kaya lang, ‘yan ang buhay na pinili mo kaya kailangan panindigan mo na.

Gayunpaman, kahanga-hanga ka sa aking paningin. Biro mo ba naman, pinili mong huwag sundin ang sinabi ng iyong ex.

In–assume ko na ganoon nga ang ginawa mo, ah. Huwag na huwag mong iisipin na ipatanggal ang nasa sinapupunan mo kung ayaw mong magsisi habambuhay. Walang kasalanan ang nasa sinapupunan mo kaya kailangan, ituloy mo ‘yan. Tulad nga ng sinabi ko sa’yo, sa simula lang magagalit ang iyong mga magulang pero kalaunan ay matatanggap din niya ang iyong sitwasyon.

Huwag mong isipin na kapag may anak ka na ay mawawala na ang mga oportunidad na maaari mong makuha. Hindi ‘yan mawawal kaya nga lang mababawasan. Gayunman, ang lahat ng tagumpay na mararanasan mo ay mababalewala kung pipiliin mong sundin ang sinasabi ng walang kuwenta mong boyfriend. Nasa iyong kamay ang tagumpay, magkaanak ka man o hindi. Ang kailangan lang ay maging desidido kang gawin ang naunsiyami mong pangarap.

O, tigilan mo munang isipin ang iyong lovelife ha. Sa takdang panahon ay darating ang iyong Prince Charming at kung talagang mahal ka niya, magagawa rin niyang tanggapin ang iyong anak. Kung hindi niya magagawa, wala siyang kuwenta dahil hindi niya magagawang yakapin ang lahat sa’yo. Siyempre, kabilang na roon ang pagkakaroon mo ng anak sa pagkadalaga.